Bumisita at nag inspeksyon si Police Brigadier General Christopher Dela Cruz, Regional Director ng Police Regional Office (PRO) MIMAROPA, sa mga police station sa isla ng Tablas, Romblon, nitong weekend bilang bahagi ng pagpapatibay ng pamumuno at kahandaan ng hanay ng pulisya.
Kabilang sa mga binisita ni Dela Cruz ang Looc Municipal Police Station sa Barangay Poblacion, Looc noong July 19, kung saan kanyang sinuri ang operational readiness ng himpilan at ang pagpapatupad ng mga programa at direktiba ng Philippine National Police (PNP).
Ayon sa PRO MIMAROPA, layunin ng mga inspeksyon na matiyak na nananatiling handa ang mga police station sa pagtugon sa mga hamon sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, gayundin ang pagpapatibay ng disiplina, pamumuno, at propesyonalismo ng mga tauhan.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Dela Cruz ang mahigpit na pagpapatupad ng F.I.G.H.T. C.R.I.M.E.S. Program ng PNP at hinikayat ang lahat ng mga pulis na manatiling disiplinado, nakatuon sa kanilang tungkulin, at patuloy na isabuhay ang mga pagpapahalaga ng organisasyon tulad ng integridad, pananagutan, at propesyonalismo.
Sinabi rin ng regional director na mahalaga ang direktang pagbisita sa mga police station upang masuri ang kanilang kahandaan, mapalakas ang pamumuno sa bawat yunit, at mabigyan ng agarang gabay ang mga tauhan sa epektibong pagpapatupad ng mga programa ng PNP.
Ang PICE Visit and Inspection ay bahagi ng patuloy na inisyatiba ng PRO MIMAROPA upang higit pang mapahusay ang kakayahan ng mga police unit at matiyak ang episyente, transparent, at people-centered na serbisyo ng pulisya sa rehiyon.



































Discussion about this post