Pumasok na sa LANDBANK cash card accounts ng mga kwalipikadong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa Romblon ang ₱2,000 one-time cash assistance sa ilalim ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Program nitong Hulyo 20.
Batay sa abiso ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), kabilang ang MIMAROPA sa mga rehiyong isinama sa unang araw ng crediting para sa mga kwalipikadong 4Ps beneficiaries na gumagamit ng LANDBANK cash cards.
Ayon sa DSWD, lahat ng registered at active 4Ps beneficiaries ay kabilang sa mga tatanggap ng UPLIFT Program assistance.
Kasama rin sa mga makatatanggap ng ayuda ang ilang inactive 4Ps households na nasa ilalim ng Compliance Status (CS) 15 o No Eligible Child for Validation,” na kasalukuyan pang sumasailalim sa validation kung maaari na silang ma-exit sa programa, at ang mga nasa CS19 o “Grants on Hold,” na may mga findings sa kanilang records at patuloy ding bineberipika ng DSWD.
Maaaring i-withdraw ng mga benepisyaryo ang kanilang ₱2,000 UPLIFT assistance sa pamamagitan ng mga ATM ng mga piling LANDBANK Servicing Branches sa sandaling pumasok na ito sa kanilang cash card accounts.
Ang UPLIFT Program assistance ay isang one-time financial assistance na ipinagkakaloob ng pamahalaan upang makatulong sa mga kwalipikadong 4Ps beneficiaries sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

































