Patuloy ang pamamayagpag ni Weljon Mindoro sa kanyang batang boxing career matapos niyang talunin via 1st round knockout ang Mexican fighter na si Omar Munguia sa kanilang 8-round middleweight bout na ginanap sa Boeing Center Tech Port, San Antonio, Texas noong June 8, 2025.
Parehong undefeated ang dalawang boksingero bago ang laban. Si Mindoro ay may kartadang 13 panalo, walang talo, 1 draw at 13 knockouts, habang si Munguia naman ay may 8 panalo, walang talo, at 6 knockouts.
Sa unang segundo pa lamang ng laban, naging agresibo na si Mindoro at agad na nagpaulan ng mabibigat na body shots, dahilan para mapilitan si Munguia na magpalit ng depensa. Dito na sinamantala ni Mindoro ang pagkakataon. Eksaktong 1 minuto at 29 segundo sa 1st round, pinakawalan niya ang isang matinding right uppercut na tumama nang solid sa panga ni Munguia. Bumagsak ang kalaban at hindi na ito nakabangon pa sa bilang ng referee, dahilan upang ideklara ang panalo kay Mindoro via knockout.
Sa ngayon, taglay na ni Mindoro ang malinis na rekord na 14 panalo, walang talo, 1 draw, at lahat ng panalo ay via knockout.
Nagsimula si Mindoro sa larangan ng boxing noong Palarong Pambansa 2012 sa Lingayen, Pangasinan. Ang 25-anyos na tubong Dumingag, Zamboanga del Sur, na kilala rin sa tawag na “Triggerman,” ay naging professional boxer noong 2019. Isa sa kanyang matitinding nakalaban ay si Takeshi Inoue ng Japan para sa WBO Asia Pacific Light Middleweight Title, na nagtapos sa isang draw—ang nag-iisang markang hindi panalo sa kanyang rekord.
Kung magtutuloy-tuloy ang kanyang impressive na performance, hindi malayong maisama na rin ang pangalan ni Mindoro sa mga elite contenders sa middleweight division tulad nina Vergil Ortiz, Errol Spence, Bakhram Murtazaliev, Jermell Charlo, Sebastian Fundora, Terence Crawford, Yoenis Tellez, at Tim Tszyu.
Ito na ang ikatlong beses na lumaban si Mindoro sa Estados Unidos. Ang laban nila ni Munguia ay kabilang sa undercard fights ng main event na tampok ang mga Amerikanong sina Michael Angeletti at Eros Correa, kung saan si Angeletti ang nagwagi.