Maaari nang gamitin ng mga benepisyaryo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kanilang guarantee letters (GLs) sa ISIAH Hospital Pharmacy sa Barangay Tulay, Odiongan para sa pagbili ng mga gamot.
Inanunsyo ng ISIAH Hospital and Medical Center ang pagtanggap ng DSWD guarantee letters bilang bahagi ng pagpapalawak ng access sa serbisyong medikal sa lalawigan.
Sa ilalim ng sistemang ito, maaaring gamitin ng mga kwalipikadong benepisyaryo ang kanilang guarantee letters bilang garantiya sa pagbili ng mga iniresetang gamot at iba pang medical supplies.
Ayon kay ISIAH Hospital and Medical Center CEO Diven Dimaala, malaking tulong ang pagsasama ng iba’t ibang programang pangkalusugan upang mabawasan ang gastusin ng mga pasyente. “Meron ng PhilHealth GAMOT program plus yung sa DSWD pa na guaranteed medicines, wala ng gagastusin ang mga Pilipino sa gamot,” ani Dimaala.
Inaasahang makatutulong ito sa mga pasyenteng nangangailangan ng agarang gamot ngunit may limitadong kakayahang pinansyal, lalo na sa mga benepisyaryo ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program.
Sa kasalukuyan, ang ISIAH Hospital Pharmacy at Mercury Drug Store sa Odiongan ang ilan lamang sa mga pribadong establisimyentong tumatanggap ng DSWD guarantee letters sa lalawigan ng Romblon.
Ayon sa DSWD, ang guarantee letter ay bahagi ng mga programang medikal ng ahensya upang matulungan ang mga indibidwal at pamilyang nangangailangan ng suporta sa gastusing pangkalusugan.



































Discussion about this post