Inatasan ni Police Brigadier General Christopher R. Dela Cruz, Acting Regional Director ng Police Regional Office (PRO) MIMAROPA, ang lahat ng yunit ng pulisya sa rehiyon na paigtingin ang police visibility sa loob at paligid ng mga paaralan upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at iba pang school personnel.
Ang direktiba ay kasunod ng mga insidente ng pananaksak na naitala sa magkakahiwalay na paaralan sa Cavite at ang kamakailang pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban, na nagbunsod sa Philippine National Police (PNP) na palakasin ang mga hakbang sa seguridad sa mga institusyong pang-edukasyon sa buong bansa.
Sa ilalim ng kautusan, inatasan ang mga Provincial Director, City Director, Chief of Police, at iba pang unit commander na dagdagan ang presensya ng pulisya sa mga school zone, partikular sa oras ng pagpasok, recess, uwian, at iba pang pagkakataong maraming estudyante ang nasa loob ng paaralan.
Kasama rin sa mga ipinag-utos ang regular na pagpapatrolya, pagsasagawa ng security assessment, perimeter checks, at pakikipag-ugnayan sa mga administrador ng paaralan, lokal na pamahalaan, Parent-Teacher Associations (PTAs), at iba pang stakeholder upang matukoy at matugunan ang mga posibleng banta sa seguridad.
Ayon kay Dela Cruz, bagama't wala pang naitatalang kahalintulad na insidente sa MIMAROPA, nananatiling maagap ang pulisya sa pagpapatupad ng mga hakbang upang mapanatiling ligtas ang mga paaralan sa rehiyon.
Pinaalalahanan din ng opisyal ang mga police commander na panatilihin ang bukas na komunikasyon sa mga opisyal ng paaralan at mga lider ng komunidad upang mapalakas ang information sharing at matiyak ang agarang pagtugon sa anumang insidenteng maaaring makaapekto sa kaligtasan ng mga mag-aaral at kawani ng paaralan.



































Discussion about this post