Tatanggap ng tig-₱200,000 ang lahat ng 219 barangay sa lalawigan ng Romblon mula sa Socio-Civic Projects Fund ng Malacañang sa pamamagitan ng Office of the Executive Secretary.
Ayon kay Liga ng mga Barangay (LnB) Romblon Provincial Chapter President Milo Maulion, kwalipikado ang lahat ng barangay sa lalawigan matapos makumpleto ang mga kinakailangang requirements para sa programa.
“219 barangays po ang makakatanggap. Lahat po ay makakatanggap dahil nakapag-comply po ang lahat ng barangay sa requirements,” ani Maulion.
Batay sa programa, nakatakdang ilaan ng bawat barangay ang kalahati ng pondo o ₱100,000 para sa educational assistance ng limang iskolar na tatanggap ng tig-₱20,000.
Ang natitirang ₱100,000 ay ilalaan naman sa pagpapatupad ng mga proyekto at programang pangkomunidad ng mga barangay.
Nakatakdang ipamahagi ang pondo sa mga barangay sa ginanap na Strategic Barangay Development Planning na dinaluhan ng mga opisyal ng barangay sa St. Pius Auditorium sa Odiongan, Romblon.
Ayon sa LnB, layunin ng programa na makatulong sa pagpapalawak ng access sa edukasyon para sa mga mag-aaral habang nagbibigay rin ng karagdagang pondo para sa mga proyektong makikinabang ang mga residente sa bawat barangay.
Ang Socio-Civic Projects Fund ay kabilang sa mga programang pinangangasiwaan sa pamamagitan ng Office of the Executive Secretary para suportahan ang mga proyektong pang-edukasyon at pangkaunlaran sa mga lokal na pamahalaan at komunidad.



































Discussion about this post