Halos dalawang oras ang inilaan ng quad committee ng Sangguniang Bayan (SB) ng Odiongan upang pakinggan ang hinaing ng mga miyembro ng Anahao-Canduyong-Tubigon Farmers Association kaugnay sa 319-ektaryang Buyco Estate na matatagpuan sa Barangay Anahao at Canduyong sa Odiongan, pati na rin sa Tubigon sa bayan ng Ferrol.
Ang quad committee ay binubuo ng Committee on Good Governance sa pangunguna ni SB Manuel Fernandez Jr., Committee on Agriculture ni SB Ricmel Falqueza, Committee on Land Use ni SB Juvy Faderogaya, at Committee on Legal Matters ni SB Jackiri Fernandez.
Sa clarificatory meeting, ikinuwento ni Floresto Domingo Fabito, isang magsasakang miyembro ng asosasyon, kung paano sila pinaalis sa lupain matapos ideklara ang land reform program noong 1971 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
“Noong nag-declare siya [Dating Pangulong Ferdinand Marcos] ng land reform [noong 1971], pinaalis kami doon. Ang natira lang ay ‘yung nasa patag lang, ‘yung nasa may tubigan lang ba, kami kasi sa taas kami, upland kami,” ayon kay Fabito.
“Binakuran nila ‘yung mga nasa-palayan para matuloy ‘yung pagsasaka ng mga nasa may tubigan. Pero kami lahat, talagang napaalis kami at wala kaming nagawa dahil wala naman kaming alam kung ano dapat naming gawin,” dagdag ni Fabito.
“Doon na kami nakaramdam ng sakit, dahil wala na kaming masakang lupa. Siyempre, binakuran lahat at ginawang pastuhan,” naluluhang kwento ni Fabito.
Ayon sa asosasyon, nagkaroon sila ng pag-asa nang mabigyan ng titulo ang ilang kasamahan nila mula sa Department of Agrarian Reform (DAR). Gayunman, natigil ang pamamahagi ng titulo matapos maglabas ng exemption order ang ahensya.
Sa ginawang pagdinig, lumitaw ang ilang katanungan na hindi agad nasagot matapos hindi makadalo ang mga kinatawan ng national government agencies na may kaugnayan sa usapin.
Kabilang sa mga tanong na nais sagutin ng mga magsasaka ay sino ang itinuturing na may-ari ng lupa at ano ang proseso na maaaring gawin upang magkaroon sila ng bahagi sa lupaing dati na nilang sinasaka.
Inaasahang magpapatawag muli ng pagpupulong ang quad committee para pag-usapan ang nasabing isyu.