Nagsimula na ngayong Biyernes, Marso 28, ang opisyal na panahon ng kampanya para sa mga kandidato sa lokal na halalan sa lalawigan ng Romblon.
Ang kampanya ay tatagal ng 45 araw, hanggang Mayo 10, ayon sa Commission on Elections (Comelec). Dahil dito, muling pinaalalahanan ni Comelec Chairperson George Garcia ang lahat ng kandidato na mahigpit na sundin ang mga patakaran ng kampanya. Sinabi ni Garcia na mahalaga para sa mga lokal na kandidato na sumunod sa mga direktiba ng Comelec at huwag maging matigas ang ulo.
Batay sa Comelec Resolution No. 11086, pinapayagan ang pamamahagi ng mga campaign materials tulad ng pamphlets, leaflets, cards, decals, stickers, at iba pang printed materials na hindi lalagpas sa sukat na 8 ½” x 14″. Maaari ring gumamit ng handwritten o printed letters na nanghihikayat sa mga botante, pati na rin ang posters o standees na hindi lalagpas sa sukat na 2 ft. x 3 ft. Ang streamers na may sukat na 3 ft. x 8 ft. ay pinapayagan lamang kung ito ay ipapaskil sa lugar ng rally o public meeting.
Pinapayagan din ang campaign materials sa mobile units at sasakyan, may sound system man o wala, pati na rin ang paid advertisements sa print o broadcast media. Maaari ring gumamit ng outdoor at LED billboards na pagmamay-ari ng pribadong sektor, pati na rin ang campaign materials sa public utility vehicles at campaign signboards sa headquarters.
Sa kabila nito, may mahigpit na ipinagbabawal ang Comelec pagdating sa campaign materials. Hindi pinapayagan ang LED display boards sa highways at pampublikong gusali, pati na rin ang LCD monitors sa mga pampublikong opisina. Ipinagbabawal din ang paggamit ng mga sasakyan ng gobyerno tulad ng patrol cars, ambulansya, at pampublikong transportasyon gaya ng MRT, LRT, at PNR. Bawal ding maglagay ng campaign materials sa waiting sheds, sidewalks, street at lamp posts, electric posts at wires, traffic signages, pedestrian overpasses, flyovers, bridges, center islands ng kalsada, paaralan, barangay halls, pampublikong opisina at pasilidad, health centers, at public terminals tulad ng bus stations, airport, at pantalan.
Ayon sa Comelec, may itinalagang limitasyon para sa political advertisements sa telebisyon, radyo, at print media. Hindi dapat lumagpas sa 60 minuto kada istasyon ang political advertisements sa telebisyon, habang 90 minuto naman ang limitasyon sa radyo. Sa print ads, dapat ay hindi lalagpas sa ¼ page para sa broadsheets at ½ page para sa tabloids, at hindi ito maaaring lumabas ng higit sa tatlong beses kada linggo sa isang pahayagan. Sa outdoor advertisements, hindi maaaring lumagpas sa isang buwan ang pagpapalabas ng ads sa isang static o LED billboard, at dapat may 500 metrong pagitan mula sa isa’t isa.
Inatasan na rin ni Garcia ang mga lokal na opisina ng Comelec na maglagay ng mas maraming common poster areas upang bigyan ng sapat na espasyo ang mga kandidato. Para sa mga campaign rallies, kailangan ding sundin ng mga kandidato ang patakaran ng lokal na pamahalaan at kumuha ng kinakailangang permit. Sinabi ni Garcia na kailangang siguruhin ng mga kandidato na hindi sila magiging sanhi ng pagsisikip ng trapiko.
Nagbabala rin ang Comelec na ang sinumang lalabag sa campaign guidelines ay makakatanggap ng paalala at notice mula sa ahensya. Ayon kay Garcia, ang hindi pagsunod sa notice ng Comelec ay maaaring maging basehan upang sampahan ng kaso ang isang kandidato. (PNA)