Hindi sinipot ng mga kinatawan ng Department of Agrarian Reform (DAR), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at Department of Public Works and Highways (DPWH) ang ipinatawag na pagpupulong ng quad committee ng Sangguniang Bayan (SB) ng Odiongan nitong Biyernes, Marso 21 kaugnay sa kontrobersyal na 319-ektaryang lupa sa Barangay Anahao at Canduyong.
Ayon kay SB Member Manuel Fernandez Jr., chairman ng Committee on Good Governance, pormal nilang ipinatawag ang tatlong ahensya upang magbigay-linaw sa isyu ng lupa na dinadaing ng mga magsasaka sa naturang barangay.
Gayunman, hindi dumalo ang alinman sa mga opisina, at sa halip, nagpadala ng sulat ang DENR at DAR na nagsasabing hindi sila makakadalo sa pagpupulong.
Paliwanag ng DAR at DENR
Sa sulat na pirmado ni Provincial Agrarian Reform Program Officer II Camilo Pacquing, sinabi nitong may dinadaluhan siyang seminar kaya hindi siya makakadalo.
Hiniling din ni Pacquing sa Sanggunian na ipadala sa kanila ang draft ordinance na tatalakayin upang makapagbigay sila ng mas angkop na impormasyon bilang resource persons. Bukod dito, ipinaalala rin ni Pacquing sa Sangguniang Bayan ang ilang limitasyon sa paggawa ng ordinansa.
“We cannot make an ordinance pertaining to a privilege speech covering only a specific group in a community. An ordinance applies to all community for the General Welfare,” pahayag nito.
“A resolution is a specific opinion of the legislative and should not in any way express the opinion of the National Agencies or any other group,” dagdag pa niya.
Samantala, sa sulat na ipinadala ni Allan Sendiong, hepe ng Regulation and Permitting Section ng DENR, binigyang-diin nitong walang proper authority ang SB Odiongan upang magtalakay ng mga usapin kaugnay ng national land classification policies at administrative decisions.
Ipinaliwanag rin nito na ang mga hinaing tungkol sa land classification at titling ay dapat idulog sa tamang forum tulad ng DENR Regional Office para sa administrative review, Court of Appeals o Supreme Court para sa judicial review, at Kongreso para sa mga land classification policies.
Dagdag pa ng DENR, kasalukuyang nasa isang management conference ang kanilang mga opisyal sa Romblon, dahilan kung bakit wala silang kinatawan sa pulong.
Hindi naman nagpadala ng anumang sagot o paliwanag ang DPWH sa Sangguniang Bayan kaugnay sa kanilang hindi pagdalo.
Kailangan ang sagot ng National Gov’t Agency
Sa pahayag ni SB Fernandez Jr., sinabi nito na mahalaga ang papel sana ng mga national government agency para mas malinawan ang mga magsasaka tungkol sa hinaing nila. Aniya, nagpatawag sila ng pagpupulong para matulungan ng mga ahensya ng gobyerno ang mga magsasaka sa mga dapat nilang gawin.
Bagamat hindi nakadalo ang mga kinatawan ng mga ahensyang maaaring makapagbigay-linaw sa mga tanong ng mga magsasaka, itinuloy pa rin ng quad committee ang tinawag nilang clarificatory meeting.
Sinabi ni Fernandez Jr. na magpapatawag muli ang quad committee ng pagpupulong kaugnay sa nasabing isyu.