Sa pagsisimula ng 45-araw na kampanya para sa lokal na halalan sa Romblon, nagsimula nang mag-ikot sa iba’t ibang lugar ang mga kandidato sa lalawigan upang mangampanya.
Ang grupo nina incumbent Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic, na tumatakbong gobernador, at Vice Gubernatorial candidate Rodne Galicha ay bumisita sa isla ng Sibale. Bago mag-ikot sakay ng mga motorsiklo, dumaan muna sila sa isang simbahan upang magdasal. Ayon sa grupo, pinili nilang simulan ang kanilang kampanya sa bayan ng Concepcion upang gawing makahulugan ang unang araw ng pangangampanya, lalo na para sa mga nasa laylayan ng lipunan.
Samantala, ang grupo naman nina Governor Jose Riano at Vice Governor Armando Gutierrez ay nangampanya sa bayan ng Romblon, Romblon, na itinuturing na balwarte ng gobernador. Sa simbahan rin nagsimula ang grupo bago mag-ikot sa mga barangay. Sa isang Facebook post, sinabi ni Riano na kinamusta at pinulong niya ang mga opisyal ng barangay at mga residente ng bawat barangay sa lugar. Kasama niya sa pag-iikot si Congressman Eleandro Madrona.
Si Vivien Carmona, na tumatakbo para sa posisyon ni Madrona sa Kongreso, ay sa bayan naman ng Odiongan nagsagawa ng kampanya. Isang motorcade ang isinagawa nito paikot sa bayan upang ipakita ang kanyang kandidatura at makipag-ugnayan sa mga residente.
Samantala, walang na monitor ang Romblon News Network mula sa iba pang kandidato na sina Saluague Agustin at Jolly Monton.