Pinangunahan ng Department of Trade and Industry (DTI) Romblon at Jollibee Odiongan ang paglulunsad ng “Bee Earth’s Best Friend”campaign bilang bahagi ng pagdiriwang ng World Consumer Rights Day nitong March 15.
Layunin ng proyektong ito na hikayatin ang mga mamimili na bawasan ang paggamit ng plastic utensils sa kanilang drive-thru at take-out orders bilang hakbang sa pagbabawas ng plastic waste.
Bilang insentibo, makatatanggap ang mga customer ng coupon sa bawat pagbiling walang kasamang plastic utensils.
Sa kanilang pangatlong at ikalimang order, maaaring makakuha ng libreng juice upgrade at isang libreng Yum Burger.
Ayon kay Orville Mallorca, Provincial Director ng DTI Romblon, ang proyektong ito ay isang mahalagang hakbang upang mahikayat ang mga mamimili na maging mas responsable sa kanilang mga pagpili.
“This partnership aims to drive behavioral change by empowering consumers to make informed and sustainable choices,” pahayag nito.
Tatagal ang adbokasiyang ito hanggang April 15 sa mga piling Jollibee stores sa MIMAROPA.