Sa Multi-Stakeholder Dialogue on the Energy Crisis na ginanap sa Provincial Sub Office sa Rizal, Odiongan nitong Hulyo 23, sinabi ng gobernador na nakahanda ang lalawigan na ipagamit ang mga kagamitan nito, kabilang ang dump trucks at boom trucks, upang makatulong sa pagsasaayos at pagpapanatili ng mga pasilidad ng kuryente.
Isinusulong din ni Fabic ang pag-aaral sa posibilidad ng pagpapatupad ng underground cabling system sa mga matataong lugar tulad ng Odiongan at Santa Fe upang mabawasan ang pinsala sa mga linya ng kuryente tuwing may kalamidad.
Ayon sa gobernador, handa ang pamahalaang panlalawigan na maglaan ng subsidy o tulong-pinansyal para sa proyekto kung ito ay maisasagawa nang paunti-unti.
“Kahit isa o dalawa man lang sana per year… better than nothing siguro,” ani Fabic kaugnay ng phased implementation ng underground cabling.
Plano rin aniyang pag-aralan ang pagpapatupad ng polisiya ng LGU-Romblon, kung saan kinakailangan munang kumuha ng clearance mula sa electric cooperative bago makapag-isyu ng building permit.
Samantala, tiniyak naman ng mga kinatawan ng National Power Corporation (NAPOCOR) at mga Independent Power Producers (IPPs) na sapat ang kasalukuyang suplay ng kuryente sa lalawigan.
Dagdag pa ng ahensya, may sapat itong fuel reserve na tumatagal ng hanggang dalawang linggo, habang regular na dinaragdagan ang suplay kada sampung araw upang maiwasan ang kakulangan.



































Discussion about this post