Sugatan ang isang 30-anyos na lalaki matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek habang nakahiga sa duyan at naglalaro ng Mobile Legends sa Sitio Guinda, Barangay Pandan, Santa Fe, Romblon gabi ng July 22.
Batay sa ulat ng Santa Fe Municipal Police Station (MPS), naganap ang insidente bandang alas-11:10 ng gabi. Agad na nagtungo sa himpilan ng pulisya ang ama ng biktima upang iulat ang pangyayari, dahilan upang rumesponde ang mga pulis sa pinangyarihan.
Sa paunang imbestigasyon, lumitaw na nakahiga ang biktima sa isang duyan habang gumagamit ng kanyang cellphone nang huminto sa harap ng kanilang bahay ang dalawang hindi pa nakikilalang lalaki na sakay ng isang asul na XRM 125 motorcycle.
Bigla umanong bumunot ng baril ang isa sa mga suspek at nagpaputok ng tatlong beses sa biktima sa hindi pa matukoy na dahilan.
Nagtamo ng multiple gunshot wounds ang biktima at agad na dinala ng kanyang mga kaanak sa Santa Fe Rural Health Unit (RHU) bago inilipat sa Romblon Provincial Hospital sakay ng ambulansya ng munisipyo kasama ang head nurse ng RHU.
Matapos ang pamamaril, tumakas ang mga suspek patungo sa Sitio Centro, Barangay Pandan.
Patuloy ang follow-up investigation at hot pursuit operation ng Santa Fe MPS upang matukoy at maaresto ang mga suspek. Nakikipag-ugnayan na rin ang pulisya sa mga karatig na himpilan bilang bahagi ng nagpapatuloy na imbestigasyon.



































Discussion about this post