Plano ng lokal na pamahalaan ng San Agustin, Romblon na ipatupad ang isang makabagong polisiya na naglalayong irehistro ang mga alagang aso sa pamamagitan ng paglalagay ng microchip. Ito ay upang madaling matukoy ang mga may-ari ng mga aso, lalo na kapag ito’y mawala o gumala.
Ang naturang plano ay tinalakay sa isang public consultation na pinangunahan ng Municipal Agricultural Office ng San Agustin na dinaluhan nina Municipal Vice Mayor Norman M. Fatalla, mga Sangguniang Bayan Members tulad nina Dr. Zaldy G. Marin, Roland E. Abero, Gil Madrilejos, Victor Romero, SB Secretary Carlos Catajay, mga barangay captain, kagawad, at mga miyembro ng mga komiteng pang-Agrikultura at pangkalusugan ng LGU.
Ayon sa diskusyon, makakatulong ang inisyatibang ito upang mabawasan ang bilang ng mga asong gala sa kalsada at mapigilan ang pagkalat ng rabies sa komunidad. Sa pamamagitan ng microchip registration, mas magiging madali ang pagtukoy sa mga may-ari ng mga aso at masisigurong responsibilidad nila ang kanilang mga alaga.
Ibinahagi rin ni Vice Mayor Fatalla na may inilaan nang P1 milyong pondo para sa proyekto.
Dagdag niya, kasalukuyang tinatalakay pa ito sa komite level ng Sangguniang Bayan dahil kailangan pang pag-aralan ang mga detalye ng nasabing panukala.
Kung maaprubahan, magiging unang bayan sa Romblon ang San Agustin na magpapatupad ng ganitong sistema, na una nang ipinatupad sa Parañaque.