Patuloy ang paghahari ng undisputed super bantamweight Japanese champion na si Naoya “The Monster” Inoue sa kanyang division matapos talunin via 7th-round TKO ang kanyang challenger na si Irishman TJ “The Power” Doheny.
Ang laban ay ginanap noong September 3, 2024, sa Ariake Arena sa Tokyo, Japan, kung saan nakataya ang kanyang WBA, WBC, IBF, WBO, at The Ring Super Bantamweight Championship titles. Sa panalong ito, napanatili ng 31-anyos na si Inoue ang kanyang mga titulo, at sa kasalukuyan, hawak niya ang record na 28 wins, 0 losses, at 25 wins by KO.
Dahil dito, kinikilala na siya bilang isa sa pinakamahusay na pound-for-pound fighters sa ngayon. Samantala, ang 37-anyos na si Doheny ay nakaranas ng kanyang ikalimang pagkatalo sa loob ng 31 fights, kung saan may 26 na panalo, 20 sa mga ito ay via KO.
Sa pagsisimula ng round 1, nagsukatan at nagpakiramdaman pa ang dalawang fighters, ngunit kitang mas malalakas ang mga jabs na binibitawan ni Inoue, lalo na sa dulo ng round. Sa round 2, nagsimulang makontrol ni Inoue ang laban nang tamaan niya ng 3 solid punch combination sa bodega si Doheny, na muntik nang bumagsak at lumabas ng ring.
Ang mga commentators ay tinawag itong liver punch, na kalaunan ay ininda ni Doheny. Sunod-sunod na rin ang mga solid punches ni Inoue sa ulo ni Doheny. Ang round 3 naman ang pinakamahusay para kay Doheny, matapos niyang tamaan si Inoue ng mga sariling punch combination. Ngunit sa pagtatapos ng round, nagpakawala si Inoue ng kanyang 2-punch combination na tumama sa katawan ni Doheny.
Sa round 4, bagamat nakakatama pa si Doheny ng mga solid punches, mas malakas at solid ang mga binibitawang suntok ni Inoue, kung saan madalas niyang ma-corner at matamaan si Doheny sa ulo at katawan. Sa round 5, nagpatuloy ang magagandang punch combinations ni Inoue, at bagamat nakakasagot si Doheny, mas marami at mas solid ang mga suntok ng kampeon.
Dalawang solid uppercut din ang tumama kay Doheny sa round na ito, dahilan upang magdugo ang mukha niya. Sa round 6, tuluyan nang nakontrol ni Inoue ang laban. Halos lahat ng binibitawang suntok niya ay solid, at kitang-kita sa mukha ni Doheny na nasasaktan na ito. Muling tumama ang mga combination punches ni Inoue sa ulo at katawan ni Doheny sa dulo ng round.
Sa round 7, 16 segundo pa lamang ang nakakalipas, umayaw na si Doheny matapos hindi na niya makayanan ang sakit sa kanyang tagiliran, bunga ng mga patama ni Inoue sa mga naunang rounds.
Pagkatapos ng laban, sinabi ni Naoya Inoue sa kanyang post-fight interview na marami pa siyang dapat iimprove sa kanyang boxing skills, at makakaasa ang kanyang mga fans na pagbubutihin pa niya sa kanyang mga future fights. Sinabi naman ni Top Rank big boss Bob Arum na mananatili sa Tokyo ang susunod na title defense ni Inoue, na posibleng maganap sa December 2024, bago tuluyang lumuwas ng US para sa mas mabibigat na laban.
Sa panalo niyang ito, inihanay ni Naoya Inoue ang kanyang sarili kasama sina Terrence Crawford at Aleksandr Usyk bilang tatlo sa mga aktibong boksingero na napanalunan ang 4-belt undisputed champion titles sa dalawang magkaibang weight class. Sa kanyang 28-0 record, 25 sa mga laban ni Inoue ay world title fights, kabilang na rito ang mga panalo niya laban kina American Stephen Fulton at Filipino Marlon Tapales upang ma-unify ang WBA, WBC, IBF, at WBO Super Bantamweight belts.
Samantala, narito ang mga naging resulta sa undercard fights ng Inoue vs. Doheny main event: Panalo si Toshiki Shimomachi laban sa kanyang kapwa Japanese fighter na si Ryuya Tsugawa via unanimous decision; tinalo ng half-Japanese, half-Ghanaian na si Andy Hiraoka si Ismael Barroso ng Venezuela via TKO sa round 9; tinalo ng Japanese fighter na si Jin Sasaki si Qamil Balla ng Australia via 7th-round TKO; at panalo si Yoshiki Takei ng Japan laban sa kanyang kababayang si Daigo Higa via unanimous decision.
Discussion about this post