Itinanghal si Daniel Quizon, 20-anyos mula sa Dasmariñas, Cavite, bilang ika-17 Chess Grandmaster (GM) ng Pilipinas matapos ang kanyang tagumpay sa round 4 ng 45th Chess Olympiad noong Setyembre 15.
Tinalo ni Quizon si Grandmaster Igor Efimov ng Monaco sa pamamagitan ng 37th move ng King’s Indian Defence, na nagbigay-daan sa kanyang pagiging Grandmaster. Si Quizon ay naglalaro sa Board 2 para sa Pilipinas sa Chess Olympiad na kasalukuyang ginaganap sa Budapest, Hungary. (Magbibigay ng karagdagang ulat pagkatapos ng buong tournament.)
Nagsimula ang landas ni Quizon patungo sa pagiging GM noong 2018, nang makamit niya ang titulo bilang International Master (IM) matapos magwagi sa Eastern Asian Juniors Open Championships sa Gangneung, South Korea, kung saan umani siya ng 7.5 points mula sa 9 rounds. Napabilang siya sa SEA Games team noong 2019, bagaman hindi siya nakakuha ng medalya. Noong 2019, pinarangalan siya bilang Junior Male Athlete, kasama ang tennis sensation na si Alex Eala. Sa parehong taon, nanalo siya ng gintong medalya sa under-16 standard competition ng Eastern Asia Youth Chess Championships sa Bangkok, Thailand, matapos makalikom ng 8.5 points mula sa 9 rounds.
Noong 2021, si Quizon ay nag-qualify sa Chess World Cup, ngunit na-eliminate agad matapos matalo kay Russian-Canadian GM Evgeny Bareev sa unang round. Kasunod nito, sumali siya sa iba’t ibang high-level chess tournaments upang makamit ang tatlong GM norms na kailangan para sa Grandmaster title. Nakuha niya ang unang GM norm noong Pebrero 2023 sa AQ Prime Asean Chess Championship, ang pangalawa noong Disyembre 2023 nang magkampeon siya sa Eastern Asia Juniors and Girls Chess Championship, at ang pangatlo noong Marso 2024 sa Hanoi Grandmaster Chess Tournament sa Vietnam.
Sa kanyang tagumpay, napabilang si Quizon sa mga elite Chess Grandmasters ng Pilipinas, kasama sina Eugene Torre, Wesley So, Darwin Laylo, Richard Bitoon, Jayson Gonzales, John Paul Gomez, Joey Antonio, Oliver Barbosa, Julio Catalino Sadorra, Mark Paragua, Rogelio Barcenilla, Rosendo Balinas, Bong Villamayor, Enrico Sevillano, Nelson Mariano, at Joseph Sanchez. Kabilang din dito ang nag-iisang babaeng Grandmaster ng bansa, si Janelle Mae Frayna.
Ito ang unang pagkakataon matapos ang 13 taon na nagkaroon ng bagong Grandmaster ang Pilipinas, simula nang makamit nina Oliver Barbosa at Richard Bitoon ang titulo noong 2011. Dahil sa kanyang tagumpay, ipinangako ng Office of the Mayor ni Jenny Barzaga na magbibigay ng 1 milyong piso bilang cash incentive para kay Daniel Quizon, bilang pagkilala sa kanyang kontribusyon sa larangan ng chess. Matagal nang sinusuportahan ng pamilya Barzaga si Quizon sa kanyang chess career.