Matapos ang matinding kompetisyon at promosyon mula sa mga higanteng media networks, inanunsyo na ng NBA ang kanilang mga bagong media partners na magsisimula sa 2025-2026 season.
Ang NBC Universal, Walt Disney Company, at Amazon Prime Video ang nakakuha ng NBA rights sa ilalim ng $76 billion na deal na tatagal ng 11 taon, mula 2025 hanggang 2036.
Sa kasunduan na ito, ang 2024-2025 season ang magiging huling season ng NBA sa Warner Bros. Discovery Company (TNT), na nagsilbing tahanan ng liga sa loob ng halos apat na dekada. Ayon sa Warner Bros., tinapatan nila ang $1.8 billion/year na alok ng Amazon Prime sa NBA, ngunit mas pinili pa rin ng liga ang ibang networks, na nagbunsod sa kanila upang maghain ng legal na reklamo laban sa NBA.
Sa sagot ng NBA, hindi umano natapatan ng Warner Bros. ang alok na inilatag ng tatlong media networks, kaya’t napagpasiyahan nilang palitan na ang kanilang media partner.
Kasama sa bagong deal ang ESPN at ABC bilang parte ng Walt Disney Company. Sa ABC Channel pa rin mapapanood ang NBA Finals, habang ang mga weekend at holiday games ay sa ESPN. Ang NBC Universal ay magkakaroon ng karapatang ipalabas ang opening games at NBA All-Star Games, kasama ang streaming sa Peacock at distribusyon sa European markets sa pamamagitan ng Sky Sports. Ang Amazon Prime Video naman ang bahala sa mga laro sa Brazil, Mexico, France, UK, Germany, at Ireland.
Ayon kay NBA Commissioner Adam Silver, ang bagong kasunduan ay magbibigay ng mas malawak na coverage ng NBA para sa mga basketball fans sa buong mundo. Bukod dito, ang WNBA ay pumirma rin ng isang 11-year deal sa tatlong media giants na nagkakahalaga ng $200 million per season o $2.2 billion sa buong termino.
Ang NBC ay dati nang naging tahanan ng NBA mula 1990 hanggang 2002.