Nagbabala si Roxas Municipal Police Station Chief, Maj. Clyde Kalyawen, sa publiko na mag-ingat sa pagtanggap ng pera matapos nilang mahuli kahapon ang dalawang babae, kapwa 38 anyos, na residente ng Caloocan City sa Maynila, dahil sa pagtatangkang magbayad gamit ang pekeng pera sa isang grocery sa Barangay Libtong, bayan ng Roxas, Oriental Mindoro.
Ayon sa ulat ni Kalyawen, nakatanggap sila ng tawag mula sa nasabing establisyimento na may dalawang babae ang nagtangkang magbayad ng pekeng isang libong piso. Agad na ipinagbigay-alam ito sa kanilang himpilan at mabilis na nagpadala si Kalyawen ng tauhan upang kumpirmahin ang nasabing reklamo.
Inabutan pa ng mga pulis ang dalawang suspek sa grocery at nang sila’y kinapkapan, nakita sa kanilang posesyon ang 13 pekeng tig-iisang libong piso. Agad silang dinala sa himpilan ng Roxas MPS upang sampahan ng kaukulang kaso.
Samantala, nagpaalala si Kalyawen sa publiko na suriing mabuti ang mga pera bago ito tanggapin. Aniya, ang mga tunay na pera ay may mga safety features na maaaring gamitin upang matukoy ang pekeng pera at maiwasang mabiktima.
Dagdag pa ni Kalyawen, ang sinumang mahuhulihan na may dala o nagbabayad ng pekeng pera sa anumang transaksiyon ay maaaring makulong. Hinihikayat din niya ang publiko na agad ipagbigay-alam sa himpilan ng pulisya ang sinumang nagkakalat ng pekeng pera upang kanila itong maaksyunan at mapanagot sa batas.