Limang benepisyaryo mula sa Barangay Limon Sur sa bayan ng Looc ang tumanggap ng tig-iisang babaeng biik sa isinagawang livestock dispersal activity ng lokal na pamahalaan at Municipal Police Station ng Looc.
Layunin ng programa na mabigyan ang mga benepisyaryo ng pangmatagalang mapagkakakitaan sa pamamagitan ng livestock raising.
Ayon sa Looc MPS, ang limang babaeng biik na ipinamahagi ay nagmula sa isang naunang benepisyaryo bilang bahagi ng “pay-it-forward” mechanism, kung saan ang mga unang nakatanggap ng tulong ay nagbabahagi ng mga inaalagaang biik upang mas marami pang pamilya ang makinabang sa programa.
Sinabi ni PMAJ Richard Obsid, Acting Chief of Police ng Looc MPS, na layunin ng inisyatiba na hindi lamang suportahan ang kabuhayan ng mga residente kundi palakasin din ang ugnayan ng kapulisan at komunidad.
“Ang tunay na serbisyo ng kapulisan ay hindi lamang nasusukat sa pagpapatupad ng batas, kundi maging sa pagbibigay ng mga programang nagbibigay ng pag-asa at oportunidad sa ating mga mamamayan,” ani Obsid.
Ayon pa sa Looc MPS, patuloy itong makikipagtulungan sa lokal na pamahalaan at iba pang katuwang na ahensya sa pagpapatupad ng mga programang pangkabuhayan na naglalayong mapabuti ang antas ng pamumuhay ng mga mamamayan at maisulong ang isang mas maunlad at mapayapang komunidad.



































Discussion about this post