Opisyal nang pinailawan kahapon ang mga tahanan na benepisyaryo ng electrification project ng Tablas Island Electric Cooperative at National Electrification Administration sa bayan ng Looc, Romblon.
Sa isang simpleng seremonyang gnianap sa Sitio Guintiguian, Limon Norte, sinabi ng pamunuan ng Tielco na prayoredad talaga nila ang mga malalayong lugar at sitio sa pagpapailaw.
Pinangunahan nina TIELCO General Manager Dennis Alag, mga kawani nito, kasama si Mayor Lisette Medina Arboleda ang Energization Ceremony kasama ang iba pang kawani ng TIELCO, Kapitan Maca Gallos at BLGU-Officials ng Limon Norte at ang 14 na pamilya.
Kasabay ng aktibidad ay nanumpa ang ilang benepisyaryo bilang unang mga opisyal ng Guintiguian Barangay Power Association (BAPA) sa pamumuno ng kanilang pangulo na si Mrs. Evelyn Inocencio.
Ayon kay Inocencio, pangarap lang nila noon na magkakuryente at magka-ilaw sa gabi, at ngayon ay natupad na sa tulong ng TIELCO at ng NEA.
Hinihikayat rin ni Inocencio ang ilan pa nilang mga kapitbahay na magpa-miyembro na sa kanilang BAPA para mapailawan rin ng TIELCO.