Wala pa ngang opisyal na kandidato para sa pagkapangulo at napakalayo pa ang campaign period pero talaga nga namang aakalain mong kampanyahan na dahil sa kaliwa’t kanang patutsadahan hindi ng mga kandidato kundi ng mga supporters ng mga ito, lalo na sa mga social media platforms. May kanya-kanyang color branding at slogan, at nitong mga nagdaang araw nga ay nagpapahapyaw na rin sa mga plataporma de gobyerno ang ilan sa mga presidential aspirants.
Totoong ang pulitika ay katulad sa isang laro, may stratehiya at makinarya upang manalo. Nariyan ang mga magagandang pangako, pagbaba sa mga grassroots para ang dating ay ‘maka-masa’, napakagandang plataporma, paawa-effect, kung anong drama, pakipot kunwari, napakabait kunwari, tapang-tapangan, at iba pa. Kung wawariin mo nga ay tila mga ahente o mga speaker sa presentation ng mga networking o investment business na matatamis and dila.
At dahil dyan, ang eleksiyon ay tila nagiging katulad din ng isang ‘scam’ minsan o kadalasan, ‘ika nga eh naguyo, lalo na kung yung inihalal na opisyal eh, hanggang bunganga lang naman pala, at wala pa sa kalingkingan ng mga pangako nito ang natupad. Ang iba naman ay puro lang ngawa, dagdagan pa ng one-to-sawa na katiwalian.
Pero ang sabi nga, ‘it takes two to tango’, kung kaya’t sa eleksiyon, malaki ang partisipasyon ng mga botante – dahil sila ang nagluluklok sa mga halal na opisyal ng bansa. Katulad lang yan sa palengke, kapag bibili ka ng isda, dapat mong piliin ang sariwa. Kapag hindi ka marunong kumilatis kung alin ang sariwa, siguradong mag-uulam ka ng bilasa.
Kaya ngayong darating na Elections 2022, bilang mga botante ay piliin natin ang tama, nararapat, at pinakakwalipikado na kandidato ayon sa linis ng pagserbisyo nito, hindi nadawit sa katiwalian, may katibayan sa maayos na programa at pagtupad sa mga tungkulin nito bilang opisyal ng gobyerno kung sya man ay dati ng nanilbihan bilang opisyal, klaro at makatotohanang plano at direksyon ng bansa kapag sya ay nahalal.
Tandaan na sa’yo pa rin nakasalalay ang susunod na kapalaran ng ating bansa.