Noong Nakaraang Byernes, huling araw ng paghahain ng kanditatura ng mga nagnanais kumandidato sa 2022 National and Local Elections, ay nagsumite ng kanyang Certificate of Nomination and Acceptance (CONA) sa Sofitel Philippine Plaza, Manila ang isang Romblomanon na si G. John Mark G. Forcado.
Isa si Forcado sa mga nominado ng AMBAGAN PH Partylist, isang makamasang organisasyon na naglalayong pukawin, pakilusin at isaayos ang pinakamaraming bilang ng mamamayan para tumugon sa hamon na mag-ambag ng lakas, panahon, talento, at talino para sa mga kababayang nangangailangan sa panahon ng krisis, kalamidad, conflict, at trahedya.
Layon din ng Ambagan PH Partylist na palakasin ang bayanihan ng mamamayan.
Ilan sa mga isinusulong ng Ambagan PH Partylist ay ang isang demokratiko, makabayan, at makamasang pamahalaan na may representasyon ang mamamayan sa lahat ng antas.
Gayundin ang mga programa na naghahanda at nagbibigay seguridad sa mamamayan sa panahon ng sakuna, krisis, at pandemya.
Ilan naman sa mga nagawa na ng kanilang ambagan ay ang Ambagan Para Sa Kinabukasan para sa sektor ng edukasyon, Ambagan Para Sa Kalusugan para naman sa sektor ng kalusugan.
Mayroon din silang Ambagan Para Sa Hapag-Kainan bilang tugon sa malawakang gutom ng mamamayan dulot ng pandemya sa pamamagitan ng mga community pantry at relief operations sa mga apektado naman ng mga bagyong nagdaan.
Sa kasalukuyan ay may 73 aktibong balangay (chapter) ang Ambagan PH sa buong bansa.
Pinangungunahan naman ni Forcado ang Ambagan Para Sa Puso ng Kalikasan sa Rehiyon ng MiMaRoPa bilang isa sa kanyang adbokasiya ay ang pangangalaga sa kalikasan.
Si JM Forcado ay mula sa bayan ng Odiongan, sa Lalawigan ng Romblon.