Himalang nailigtas sa bingit ng kamatayan ang isang dalagang nag tangkang magpakamatay sa ilog na sakop ng Barangay Poblacion, San Andres, Romblon nitong Miyerkules ng hapon.
Ayon sa kwento ni Jabez Gadon, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer ng San Andres, nakatanggap sila ng sumbong bandang 5:30 ng hapon na lumusong sa ilog at hindi na lumutang pa ang isang dalagang 17 taong gulang dahil sa depression.
Agad silang nagsagawa ng search and rescue operation sa lugar hanggang sa lumubog ang araw.
Dahil mahigit isang oras na silang naghahanap sa dalaga, napagdesisyunan ng mga naghahanap na ipagpabukas nalang ang operasyon ngunit dahil sa hiling ng pamilya, bumalik ang mga tauhan ng at Kabalikat Civicom at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office para mag dala ng flash light at muling hanapin ang katawan ng dalaga.
Bandang alas-7 ng gabi, pag dating ng mga rescuers sa ilog, tumambad sa kanila ang nakalutang na katawan ng dalaga kaya agad nila itong inihaon ngunit napansin ng mga rescuers na may pulso pa ang dalaga kaya agad nila itong dinala sa pampang at nagbigay ng first aid.
Matapos na mailuwa ng dalaga ang napakaraming tubig at gumalaw, agad itong dinala sa San Andres Municipal Hospital kung saan siya patuloy na inoobserbahan ngayon.
Hindi parin makausap ang nasabing dalaga kaya hanggang ngayon ay palaipisan parin sa mga rescuers kung paano ito nakatagal sa tubig ng mahigit dalawang oras.