Umabot sa mahigit ₱249,000 ang kinita ng Concepcion Sur Farmers and Fisherfolks Association (CSFFA) sa bayan ng Santa Maria mula sa unang apat na production cycle ng kanilang broiler chicken livelihood project sa ilalim ng Department of Agriculture – Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD) Program Phase 2.
Ayon sa DA-SAAD, nakapagpalaki at nakapagbenta ang samahan ng kabuuang 1,106 broiler chicken ngayong taon. Patuloy ring naipatutupad ang proyekto sa pamamagitan ng maayos na pamamahala at tuloy-tuloy na operasyon ng asosasyon.
Ibinenta ng CSFFA ang kanilang mga produkto sa mga pampublikong pamilihan, lokal na retailers, at maliliit na kainan sa Santa Maria. Ang dressed chicken ay ibinebenta sa ₱190 kada kilo, habang ₱180 kada kilo naman ang live broiler chicken.
Upang mapalaki pa ang kita at mabawasan ang nasasayang na produkto, ibinebenta rin ng samahan ang mga by-products gaya ng atay at balun-balunan sa ₱190 kada kilo, habang ₱70 kada kilo naman ang presyo ng mga paa, ulo, at bituka ng manok.
Nagpasalamat si Romeo S. Escalante, pangulo ng CSFFA, sa DA-SAAD Program sa pagbibigay ng proyektong pangkabuhayan.
“Sa pamamagitan ng project na ito ay naibsan ang kakulangan sa supply ng karne ng manok dito sa bayan ng Santa Maria. Malaking tulong po ito lalo na sa amin [members] na may dagdag kita,” ani Escalante.
Sa kasalukuyan, mayroon nang ₱89,924 na pondo ang asosasyon sa kanilang bank account. Bahagi rin ng kanilang kinita ang ginamit sa pagbili ng karagdagang 100 broiler chicks gamit ang sariling pondo upang higit pang mapalawak at mapatatag ang kanilang broiler production enterprise.
Ayon sa DA-SAAD, layunin ng programa na mapalakas ang kabuhayan ng mga samahan ng mga magsasaka at mangingisda sa pamamagitan ng mga proyektong pang-agrikultura na makatutulong sa pagtaas ng kanilang kita at sa pagpapalakas ng lokal na suplay ng pagkain.



































Discussion about this post