Bago matapos ang 2019, binasbasan ang isa sa limang biniling ambulansya ng Romblon Provincial Government gamit ang P43-milyon pondo na ni-realign ng Provincial Development Council (PDC) noong Agosto 2019.
Sa pangunguna ni Governor Jose Riano, pormal na nai-turn over ang ambulansya sa pamunuan ng Romblon District Hospital (RDH) sa bayan ng Romblon.
Ayon kay Gov Riano, ang nasabing ambulansya ay tutulong para sa layunin ng Provincial Government na gawing Level 1 hospital ang RDH.
Matatandaang Agosto 13 noong nakaraang taon nang aprubahan ng PDC ang paggamit ng P43,921,045.89 mula sa 2019 Annual Development Plan para gamiting pambili ng mga hospital equipment at pagpapagawa ng mga hospital infrastracture para sa accreditation ng mga ito sa Department of Health (DOH) at PhilHealth.
Sinabi noon ni Governor Riano na kapag Level 1 hospital na ang Sibuyan District Hospital at Romblon District Hospital, papayagan na ng Kagawaran ng Kalusugan na magsagawa ng medical procedures sa mga ospital na ito kagaya ng surgical operations.
Malaking tulong aniya ito lalo na sa mga residente ng Sibuyan Island at Romblon Island dahil hindi na nila kailangang pumunta pa Romblon Provincial Hospital sa Odiongan para magpa-opera.
Plano rin ng Provincial Government na bumili ng dalawang sea ambulance para magamit ng mga island municipalities sa pagdala sa RPH ng mga pasyente.