Ipinatutupad na sa bayan ng Looc, Romblon simula noong unang araw ng Nobyembre ang Municipal Ordinane No. 064 – 2018 na nagbabawal sa isang indibidwal na maglakad sa mga pampublikong lugar ng naka ‘half naked’.
Naglalayon ang ordinansa na mabawasan ang mga pasaway na ‘Tambay’ sa mga pampublikong lugar sa Looc na minsan ay nagiging resulta ng krimen.
“No person shall be allowed to go around any Public Parks, Public Market, Public Streets and Business Centers within the territorial jurdisdiction of Municipality of Looc, Romblon Half Naked (Walang taong pinapayagan na mag-ikot ng ‘half naked’ sa anumang mga Public Parks, Public Market, Public Streets at Business Center sa loob ng hurisdiksyong teritoryo ng Munisipalidad ng Looc, Romblon),” ayon sa general provision ng ordinansa.
Sa panayam ng PIA-Romblon kay Looc mayor Lisette Arboleda, hiniling nito sa publiko na kung lalabas sa mga pampublikong lugar ay siguraduhing presentable ang kanilang pananamit.
“Haharap ka sa public dapat naman presentable ka. At most likely kasi, ang gumagawa niyan [half naked] ay ‘yung mga nakainum na at pag mga nakainum na yan, jan na magsisimula ‘yung mga gulo,” ayon sa alkalde.
Pahayag pa ni Arboleda na ang lalabag sa nasabing ordinansa ay magmumulta ng 300 hanggang 500 pesos at apat hanggang walong oras na community service.
Inutusan na rin ni Arboleda ang Looc Municipal Police Station na magsagawa ng regular na pag-iikot sa mga pampublikong lugar para pagmultahin ang mga susuway rito.