Ipinahayag ni Congressman Eleandro Madrona na nanatili siyang Representative ng lalawigan ng Romblon hanggat hindi ibinababa sakanya ang preventive suspension order ng Sandiganbayan mula sa opisina ni House Speaker Alan Cayetano.
Sa pahayag ni Madrona nitong Martes, August 13, sa dinaluhan niyang Romblon – Provincial Development Council Meeting, sinabi ng kongresista na sumulat na siya kay Speaker Cayetano at hiniling na simulan na ang suspension order sa August 21.
“Ang epekto nito, magsasawa ang ating mga kababayan sa ating probinsya dahil tatlong buwan akong mag-iikot at iisa-isahin ang mga pangangalan nila,” mensahe ni Madrona sa mga dumalo.
Sinabi rin nito na panahon na umano para mamasyal siya ulit siya sa mga Barangay para isa-isahin ang mga problema ng mga barangay na dapat bigyan na ng kaukulang pansin lalo na umano ang health concerns.
“I’ll just enjoy my vacation,” dagdag ni Madrona.
Matatandaang pinatawan ng 90-days preventive suspension ng Sixth Division ng Sandiganbayan si Romblon Representative Eleandro ‘Budoy’ Jesus Madrona dahil sa kasong kinakaharap nito na may kaugnayan sa P4.8 million fertilizer fund scam noong 2004.
Si Madrona ay nahaharap sa kasong di umano’y paglabag sa Section 3(e) of R.A. 3019 or the Anti-Graft and Corrupt Practices Act noong siya pa ay Gobernador matapos bumili ng mga liquid fertilizers sa Feshan Philippines Inc. ng hindi dumadaan sa public bidding.