Pinaalalahan ng Commission on Elections (COMELEC) ang publiko na posibleng makulong ang sinumang magbebenta ng kanilang boto ngayong National and Local elections.
Sinabi ni COMELEC Spokesperson James Jimenez na ang vote buying ay isang election offense na pwedeng maging resulta ng pagkakakulong.
“It’s an election offense. You can be sent to jail, you can be fined and you can be disqualified from holding public office. Both ‘yan, both the buyer and the seller,” ayon sa pahayag ni Jimenez sa isang media interview.
Batay sa omnibus election code, ang magbebenta ng kanilang boto ay posibleng makulong ng hanggang anim na taon at pagkakatanggal sa public office kung sakaling nag tatrabaho sa gobyerno.
“COMELEC has always said do not take the money at all and in all instances, vote according to your conscience,” dagdag ni Jimenez.
Samantala, sinabi rin ng COMELEC na talamak na sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang pamimili ng boto sa pamamagitan ng pag-alok ng pera o di kaya’y pagbibigay ng gamit kapalit ng kanilang boto sa isang politiko.