Pormal nang binasbasan at pinasinayaan kamakailan ang San Agustin Health & Wellness Hub, isang bagong development na naglalayong pag-isahin sa iisang lugar ang iba’t ibang serbisyo at establisyemento para sa publiko.
Pinangunahan ni Mayor Aaron James Madrona ang blessing and inauguration ng pasilidad, kung saan binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang Health & Wellness Hub na magsisilbing lugar para sa iba’t ibang serbisyong maaaring mapakinabangan ng mga residente.
Samantala, nagbigay si COS Esteban “Denon” SF Madrona Jr., dating alkalde ng San Agustin, ng overview hinggil sa konsepto at layunin ng San Agustin Health & Wellness Hub bilang bahagi ng patuloy na development ng bayan.

Dinaluhan ang okasyon ng mga kawani ng Lokal na Pamahalaan ng San Agustin at mga tenants na bahagi ng bagong hub.
Kabilang sa mga establisyementong matatagpuan dito ang A. Ricerra-Solano Children’s Clinic, Uno Dos Solano Medical Clinic, San Agustin Medical and Diagnostic Center, Romblon Cares Diagnostic Laboratory, Playville, D’ Quarry, Pura Blanca, Pet District, Gwapito Barbershop, MJD Hairstyling Services, at Morada General Merchandise.
Itinakda rin ang San Agustin Health & Wellness Hub bilang magiging lokasyon ng LandBank San Agustin Branch, na inaasahang magdaragdag sa mga serbisyong maaaring ma-access ng publiko sa naturang lugar.
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang lokal na pamahalaan kay Senator Pia Cayetano para sa paglalaan ng pondo para sa proyekto, gayundin kay Congressman Eleandro “Budoy” Madrona para sa suporta at pakikipagtulungan sa pagsasakatuparan ng development.
Sa pamamagitan ng San Agustin Health & Wellness Hub, inaasahang mas mapapalapit sa mga residente ang iba’t ibang serbisyo at establisyemento, habang nakatutulong din ang proyekto sa patuloy na pag-unlad ng bayan.



































Discussion about this post