Isang magsasaka sa Odiongan, Romblon ang nasawi nitong Lunes, April 15, matapos lapain ng kanyang inaalagaang baboy sa Barangay Progreso Weste.
Kinilala ang magsasaka na si Tanny Baladjay, 58-anyos.
Ayon sa kwento ng kanyang pamangkin na si Jondel Baladjay, nag-iigib ang biktima sa isang poso ng lapitan ng alaga nitong baboy na tila galit na galit kay Tanny. Umatras ang biktima ngunit nadapa kaya naabot siya ng pangil ng baboy at nalapa ang kanyang pwetan at paa.
“Narinig ko sila na tinatawag nila ang pangalan ko, sabi ‘Si Tatay’. Tumayo ako sa kinatatayuan ko, nakita ko si Tatay na nakaupo sa may puno ng niyog tapos pagtayo niya madami ng dugo na lumalabas sa paa niya,” pahayag ni Jondel.
Sa laki at dami ng sugat na natamo ni Tanny, naubusan ito ng dugo at nasawi bago paman makarating sa Isiah Medical Center.
Pinagtataga naman ng mga kapitbahay ng biktima ang baboy na tinawag rin nilang ‘turo’ bago pa makasakit ng iba.
Hinala ng mga kamag-anak ng nasawing biktima, sinapian ng masamang elemento ang baboy dahil bagong kain lang naman umano ito nang mangyari ang aksidente.