Hinahangaan ngayon ang isang delivery driver sa bayan ng Odiongan, Romblon matapos magsoli ng napulot nitong pera at cheque nitong Lunes, January 21.
Kinilala itong si Michael Fesariton, anim na buwan palang itong nagtatrabaho bilang driver sa isang tindahan ng mga appliances.
Kwento ni Fesariton sa Romblon News Network, inutusan umano siyang bumili ng bakal ngunit paglabas umano nito sa parking area ng kanilang opisina ay may napansin siya na sobre kaya kinuha niya ito at inilagay sa kanyang tricycle. Pagdating niya sa hardware store kung saan siya bibili sana ng bakal, tiningnan niya ang laman nito at nagulat siya dahil puno ito ng pera.
Agad siyang bumalik ng opisina at sinabi sa kanyang manager na may napulot siyang sobre na may lamang pera, pagbukas nila dito tumambad sa kanila ang aabot sa P132,000 na cash, at mahigit P100,000 halaga ng cheque.
Napag-alaman ni Fesariton na may pumunta na umano sa kanilang opisina at nagtaong kung may nahulog bang pera doon na pagmamay-ari ng isang kompanya, dito na nila sinubukang tawagan ang nakahulog ng pera.
Sa tuwa ng liaison officer ng kompanya na nakahulog sa pera, niyakap umano siya nito at pinasalamatan. Dadalhin niya umano sana ito sa banko para ideposit ngunit nahulog umano pagbaba niya ng opisina ng PhilHealth.
Sinabi ni Fesariton na kahit kailangan nila ng pera ay mas nanaig sa kanyang puso ang kabutihan at ang pag-iisip na hindi niya naman umano pera at hindi niya pinaghirapan ito para angkinin.
Hamon ni Fesariton sa iba pang makakapulot ng pera, huwag magpapatukso at isoli ang pera dahil ang nakawala nito o may-ari nito ay pinaghirapan rin ang pagkakaroon ng pera.