Ginanap sa kabisera ng Romblon ang puppet road show ukol sa kampanyang E-Power Mo ng department of Energy (DOE) sa pakikipagtulungan ng Philippine Information Agency (PIA).
Ang puppet show ay magkasunod na isinagawa sa Agnipa National Hiogh School at Montfort Academy upang ipalaganap ang impormasyon hinggil sa wastong paggamit at pagtitipid sa kuryente gayundin ang iba pang impormasyon ukol sa programa ng DOE na ‘E-Power Mo’.
Matamang nanood at nakinig ang mga estudyante sa ‘infomercial’ na ipinalabas sa white screen na may kaugnayan sa programang E-Power Mo kung saan ipinresenta ang mahahalagang impormasyon tungkol sa mabilis na pag-unlad ng sektor ng enerhiya at wastong paggamit ng kuryente.
Nagkaroon din ng trivia questions na hango sa infomercials na kanilang napanood at masayang nakatanggap ng maliit na papremyo ang mga estudyanteng nakasagot ng tama sa mga tanong.
Lalo pang naging masigla ang mga estudyante at maging ang mga guro nga kanilang napanood ang puppet show na iprinesenta ng grupo ng PIA Puppet Theater na may kaugnayan pa rin sa tamang pagkonsumo ng kuryente.
Personal na nagpasalamat sina Agnipa National High School Principal G. Gil T. Marco at Charry Prime P. Manzo ng Montfort Academy sa Philippine Information Agency dahil sa impormasyong naibahagi sa kanilang mga estudyante at kauna-unahang pagkakataon anila ay aktwal silang nakapanood ng puppet show. (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)