Posibeng maputulan ng paa ang isang laborer o trabahador sa Odiongan, Romblon matapos itong madaganan ng sheet pile na nilalabas mula sa barkong nagdala sa pantalan ng Poctoy Port nitong umaga ng Huwebes, July 12.
Kinilala ang nadaganang lalaki na si Samson Sarsona.
Ayon sa mga saksi, si Sarsona at ang mga kasama nito ay tumutulong para maibaba mula sa barkong SeaFord Shipping Lines ang mga sheet pile na inorder ng isang construction firm mula sa Manila.
Nasa loob ng barko si Sarsona at nagtatali ng cable sa crane para maiangat ang mga sheet pile patungo sana sa mga nag-aabang na mga truck ngunit habang inaangat umano ang apat na patung-patong na sheet pile ay bigla umanong dumulas ang isa sa mga ito at dumagan sa paa kay Sarzona.
Kwento ng crane operator na si Jose Ricsel Mondejar, masyado umanong malapit si Sarsona sa sheet pile kaya noong nadulas ito ay biglang nadaganan ang kaliwang bahagi ng kanyang paa.
Agad na isinugod sa Romblon Provincial Hospital si Sarsona at ngunit ayon sa kanya ay kinakailangang dalhin siya sa ospital sa Manila para doon maipagamot.
Wala rin umanong suot na mga personal protective equipment ang mga trabahador noong mangyari ang aksidente.
Samantala, hindi na rin umano maghahain ng reklamo si Sarsona laban sa Shipping Lines at sa pinagtatrabahuang Odiongan Integrated Arrastre & Stevedoring Contract Servinces Inc. dahil nangako ang mga ito na tutulong sa pagpapagamot.