Muling ipatutupad ang pagtaas ng passenger terminal fee sa Batangas Port simula Hulyo 1, 2026 bilang bahagi ng ikalawang yugto ng fare adjustment na inaprubahan ng Philippine Ports Authority (PPA).
Mula sa kasalukuyang ₱60, magiging ₱90 na ang terminal fee para sa mga pasaherong bumibiyahe palabas ng Batangas Port.
Ito ang ikalawang yugto ng pagpapatupad ng fare adjustment matapos ang unang dagdag-singil noong Enero 1, 2026, kung saan itinaas ang terminal fee mula ₱30 patungong ₱60. Ang kabuuang pagtaas ay inaprubahan ng PPA sa ilalim ng dalawang-tranche implementation na nakasaad sa PPA Memorandum Circular No. 017-2025.
Ayon sa PPA, layunin ng pagtaas ng terminal fee na suportahan ang pagpapanatili, operasyon, at patuloy na pagpapahusay ng mga pasilidad at serbisyong ibinibigay sa Batangas Port.
Mananatiling exempted sa pagbabayad ng terminal fee ang mga estudyante, senior citizens, persons with disabilities (PWDs), at iba pang sektor na saklaw ng umiiral na mga batas at patakaran.
Ang Batangas Port ang pangunahing pantalan na ginagamit ng mga biyaherong bumibiyahe papunta at pabalik ng Romblon, gayundin ng iba pang lalawigan sa MIMAROPA.
Nauna nang sinabi ng operator ng Batangas Passenger Terminal na ang pagtaas ng terminal fee ay bahagi ng cost recovery measures upang mapanatili ang operasyon at kalidad ng serbisyo sa pantalan.



































Discussion about this post