Itinaas ng Philippine Coast Guard (PCG) Coast Guard Station Romblon ang alert status nito at pinaigting ang mga hakbang sa paghahanda kaugnay ng posibleng epekto ng low pressure area (LPA) sa lalawigan.
Nitong June 29, inilagay ng Coast Guard sa heightened readiness ang Deployable Response Group (DRG), mga Coast Guard Sub-Stations, at Operational Control (OpCon) Units sa buong Romblon upang matiyak ang agarang pagtugon sa anumang maritime emergency at iba pang insidenteng may kaugnayan sa masamang panahon.
Ayon sa PCG, naka-standby ang mga rescue team, tauhan, at response assets bilang bahagi ng mga paghahandang ipinatutupad upang mapangalagaan ang mga komunidad sa baybayin at ang sektor ng maritima.
Nanawagan din ang Coast Guard sa mga seafarer, mangingisda, at mga residenteng nakatira sa baybayin na patuloy na subaybayan ang mga opisyal na weather advisory ng mga kinauukulang ahensya.
Pinayuhan din silang tiyaking ligtas at maayos na nakadaong ang kanilang mga sasakyang-pandagat kung kinakailangan at sundin ang lahat ng safety precautions habang nananatili ang banta ng masamang panahon.
Ayon sa PCG, patuloy nitong babantayan ang lagay ng panahon at makikipag-ugnayan sa iba pang ahensya upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at kahandaan sa anumang posibleng epekto ng LPA sa lalawigan.



































Discussion about this post