Ngayong nagsimula na ang election period para sa Barangay at SK elections sa bansa, nagsagawa ngayong hatinggabi ng Sabado ng Simultaneous Comelec Checkpoint sa lahat ng 17 bayan sa buong Romblon, ang mga kapulisan kasama ang mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines at Commission on Elections (COMELEC) Romblon.
Sa Odiongan, Romblon; may ilang mga motoristang walang helmet at mga walang lisensya ang nasita ng mga tauhan ng Odiongan Municipal Police Station.
Sa bayan naman ng Calatrava, Romblon, nasita ng mga tauhan ng Calatrava Municipal Police Station ang isang jeep na ito na overloaded ang sakay ng mga pasahero galing Odiongan, Romblon at patungo sanang San Agustin, Romblon.
Ilang kabataan ang nakasakay na sa bubungan ng jeep kahit delikado ito para sa kanila. Agad silang pinababa ng mga otoridad at pinalipat sa loob ng jeep bago ito payagang umalis.
Sa San Andres, Romblon naman nasita ng mga otoridad ang overloaded ring Tricycle kung saan may lalaki pang nakahiga sa bubungan nito. Biyahe ring Odiongan, Romblon patungong San Agustin, Romblon ang tricycle para sana magdeliver ng mga gulay ngunit hinarang sila ng otoridad para sitahin. Pinayagan rin silang umalis matapos bumababa ang nakasakay sa bubong ng tricycle at matapos ring magpakita ng lisensya ang driver nito.
Wala namang nahulihan ng baril sa halos 3 oras na checkpoint na ginawa sa buong Romblon nitong Sabado ng madaling araw.
Ang nasabing checkpoint ang inaasahang aaraw-arawin ng mga otoridad sa Romblon para maiwasan ang gulo ngayong Barangay at SK elections 2018 sa lalawigan alinsunod sa utos ng Provincial Director ng Romblon Police Provincial Office na si PSSupt. Leo Quevedo.