Kaugnay ng pagdiriwang at pagsalubong ng Bagong Taon, ang Department of Health (DOH) – Romblon Provincial Office ay nakapagtala lamang ng isang biktima ng paputok ngayong 2018 sa buong lalawigan.
Sinabi ni Ralph Falculan, Public Health Nurse ng DOH Romblon, ang biktima ay kinilalang si Christopher Rob Temple, 28 anyos at residente ng Indang, Cavite na nagbakasyon lamang sa Bgy. Cajimos, Romblon, Romblon ay naputukan sa tainga at balikat ng ipinagbabawal na sinturon ni hudas
Agad naman aniyang naisugod sa Romblon District Hospital ang biktima kung saan nilapatan ng gamot ang tinamong sugat nito at nakauwi rin naman agad sa kaniyang tinitirhan.
Naging positibo aniya puspusang kampanya ng DOH, Philippine National Police (PNP) at Bureau of Fire Protection (BFP) laban sa anumang klase ng mga paputok at pagpapaalala sa publiko upang maiwasan ang aksidente o disgrasyang idudulot nito gayundin ang masamang epekto nito sa kalusugan ng tao.
Aniya, wala rin halos nagpaputok ngayong taon dahil sa maulan noong kasagsagan ng pagdiriwang ng Bagong Taon.
Matatandaan na noong nakaraang taon ay may isa ring naging biktima ng paputok sa bayan ng Romblon.
Ayon naman sa pamunuan ng Romblon Police Provincial Office, wala ring napaulat na nagpaputok ng baril o tinamaan ng ligaw na bala sa panahon ng kapaskuhan at Bagong Taon.