Sinimulan nang ipamahagi ng Office of the Municipal Agriculturist (OMAg) – Romblon ang iba’t ibang uri ng binhi ng gulay sa mga magsasakang nasa barangay na nasasakupan nito.
Ang nasabing pamamahagi ay may layong mapabuti ng lokal na pamahalaan ang kanilang food production at mapanatiling sapat ang pagkain na inihahanda ng bawat Romblomanon sa kanilang mga hapag kainan.
Sinabi ni Raymund Juvian M. Moratin, OIC – Municipal Agriculturist, na bumili ng binhi ang lokal na pamahalaan ng Romblon upang ipamahagi ng kanilang tanggapan sa mga lehitimong magsasaka na nagtatanim ng gulay.
Ang tulong na ito aniya ay hango mula sa High Value Crops Development Program (HVCDP) ng Department of Agriculture kung saan naglaan ng P50,000 na pondo ang lokal na pamahalaan para sa programang ito.
Nilalayon din ng programang ito na hikayatin ang mga mamamayan na magtanim ng iba’t ibang uri ng gulay upang kumita ng malaki dahil sa mataas na demand nito sa pamilihang bayan.
Nais aniya ng OMAg na sariling produkto ng taga-Romblon ang makikitang itinitinda na gulay sa palengke dahil mas mataas ang presyo ng mga inaangkat na gulay bunsod ng pasalin-saling “middleman” at palipat-lipat ng transportasyon nito bago makarating sa Romblon.
Target ng nasabing tanggapan na bumaba ang halaga ng gulay sa pamilihan kapag mismong taga-Romblon ang magtatanim at magpapalago ng produksiyon nito.
Ilan lamang sa mga kondisyon hinihingi ng lokal na pamahalaan sa mga mabibiyayaan ng libreng binhi na kailangan nila itong itanim, alagaan at palaguin.
Sa panahon ng anihan, bawal itong iluwas sa karatig-bayan o lalawigan at marapat lamang na sa pamilihan ng Romblon ito ibenta upang mga taga-rito ang makinabang sa mga produkto ng gulay.
Ang mga libreng binhi na ipinamimigay ng OMAg sa mga magsasaka ay kalabasa, ampalaya, sitaw, talong, kamatis, pipino, patola, okra, upo, mustasa, pechay at water melon.