Tiniyak ng pamunuan ng National Food Authority (NFA) – Romblon Provincial Office na visible, affordable at accessible ang NFA rice sa mga accredited outlets nito sa buong lalawigan.
Sa katatapos na ‘Ugnayan’ na ginanap noong ika- 23 ng Pebrero ay muling ipinabatid at pinaalalahanan ng pamunuan ng NFA Romblon sa pangunguna ng Provincial Manager Romulo O. Aldueza sa mga “NFA Accredited Outlets” na maging responsable at sumunod sa mga patakaran na ipanatutupad ng ahensya.
Binigyan diin nito ang patuloy na pagkakaroon ng mura at magandang kalidad ng bigas sa palengke at maging sa barangay para sa mga Romblomanon na lubos na nangangailangan.
Ayon kay Aldueza, ang kanilang ahensiya ay mayroong 159 accredited outlets sa buong lalawigan ng Romblon kung saan mabibili ang NFA rice sa halagang P27 kada kilo.
Sa nakalipas na limang taon, 26.30 porsiyento ng konsumo sa bigas ng populasyon ng probinsiya ay nagmumula sa lokal na ahensiya ng NFA, dagdag pa nito.
Kaugnay rin nito, ang mga tauhan ng NFA-Romblon ay patuloy na nagsasagawa ng inspeksiyon sa lahat ng kanilang mga accredited outlets sa bawat bayan sa buong lalawigan upang tiyakin na mayroong sapat at magandang kalidad ng bigas na mabibili ang mga mamamayan.