Sa bayan ng Brooke’s Point na nasa bahaging sur ng lalawigan gaganapin ang 2017 MIMAROPA Regional Athletic Association Meet na magsisimula sa Pebrero 17.
Ayon kay Brooke’s Point Mayor Maryjean D. Feliciano, isang karangalan ang pagiging punong abala muli ng nasabing palaro. Aniya, handa na ang mga pasilidad at ang mga paaralang tutuluyan ng mga delegasyon mula sa Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan.
Dagdag pa ni Mayor Feliciano, hindi man natapos ang mga maliliit na detalye sa konstruksiyon ng ipinatayong sports centers ay magagamit na ito para sa mga indoor games tulad ng basketball, volleyball, badminton at gayundin ng mga table at board games tulad ng chess at table tennis.
Ayon naman kay Department of Education (DepEd)-Palawan Information Officer Daisy Ann P. Atrero, ngayong Pebrero 11 ay magsisimula nang magdatingan ang mga delegasyon ng Oriental at Occidental Mindoro at sa Pebrero 15 naman ang delegasyon ng Romblon at Marinduque.
Samantalang ang delegasyon ng Palawan ay nagsimula na ng kanilang quartering at ang Puerto Princesa naman ay wala pang schedule ng kanilang pagtungo sa bayan ng Brooke’s Point. Gaganapin ang opening ceremonies ng MIMAROPARAA meet sa Pebrero 17, 1:00 pm sa pamamagitan ng isang parade na magtatapos ito sa Pebrero 21,
Taong 2012 nang huli itong isagawa sa nasabing bayan at noong 2015 ay ginanap din ito sa bayan naman ng Narra. Ang palarong pangrehiyon ay magkatuwang na itinataguyod ng Department of Education (Deped) at ng mga lokal na pamahalaan upang makapili at makapagsanay ng mga magagaling na manlalaro ng bansa sa iba’t-ibang larangan ng palakasan. (Orlan C. Jabagat/PIA-4B)