Ang #KwentongNakakatakot ng Romblon News Network ay bahagi ng pagdiriwang ng panahon ng mga ghost at horror stories. Ang mga kwento sa baba ay base sa mga totoong nangyari sa mga may akda.
Katatapos ko lang mag-college sa Romblon State University at nasa Manila ako para mag-review para sa licensure exam ng natapos kong kurso. Mayo ng taong kasalukuyan, tumungo ako sa Manila para maghanap ng apartment na aming tutuluyan. Sinabi ng isa sa mga tita ko na meron siyang alam na mura, kasya ang tatlo, at pwedeng kunin ng hanggang 6-months lang.
Sa unang linggo, komportable naman kami sa room na nakuha namin kahit nasa rooftop ng 6th floor building kami tumuloy. Mura kasi siya kaya ito ang kinuha namin kahit medyo maliit.
Matapos ang unang linggo, may napansin ang kasama ko na itago nalang natin sa pangalang “Alex” na babae sa bintana na sumisilip sa kanila. Hindi naman ako naniwala kasi wala ako ng panahon na andun nakita niya ito at tanging si Alex lang ang nakakita sa nasabing babae.
Pag-iitsura ni Alex sa nakita niya, ito raw ay may magulong buhok, maitim ang buong mukha at katawan ngunit makikita mo raw na galit at nanlilisik ang mata. Pinag-usapan namin ito at nakalimutan rin mga ilang araw matapos itong manyari.
Ilang araw pa ang lumipas, pagod na pagod kami galing kami sa review center. Habang kami ay kumakain, biglang natahimik muli si Alex, senyales na malamang may nakikita nanaman siya sa labas. Nakapagsalita lang siya ilang minuto ang lumipas pagkatapos namin kumain, ayon kay Alex, muli nanaman umanong bumalik ang babae at ngayon ay pumasok ito sa bahay, naglakad-lakad sa likod ng kasama naming si Tom, at bago ito umalis ay umakbay pa ito sakanya.
Ilang beses pa itong naulit at may panahon pa umanong habang kami ay natutulog, magigising nalang bigla si Alex at makikita niya ang babae na nakatayo sa paanan namin habang tila pinagmamasdan kami.
Hindi namin alam kung anong pakay niya sa amin, hindi niya naman kami sinasaktan kaya para sa amin, okey lang na kahit magpakita siya sa kasama namin. May nakapagsabi rin sa amin na maaring isa itong black lady, na di umano’y nanakit ng mga tao.
Hanggang ngayon, nagpaparamdam parin siya sa amin kahit ilang linggo nalang ay lilisanin na namin ang aming tinitirhan para muling bumalik ng probinsya.