Halos makalipas lamang ang tatlong araw mula opisyal na buksan ng COMELEC ang filing of COC, ay marami na rin ang lumantad at nagsumite ng kanilang mga kandidatura.
As usual, sariwang-sariwa pa sa ating alaala ang mga kaganapan tuwing election. Masasabi nating natural na ang makita natin ang mga kandidato na abot-tenga ang ngiti, very friendly ‘ika nga nang sa gayon ay marami silang makuhang simpatiya mula sa mga botante. Nandiyan ‘yung halos lahat ng lamayan ay kanilang napupuntahan, laging may naka reserbang mga dyes-dyes, o beynte-beynte sa bulsa nila bilang pag anticipate sa mga makakasalubong sa kalye na bigla na lang hihingi ng donasyon o solicitation.
Dahil sa halos nakakagisnang sistema tuwing kampanyahan na tulad nito, tila baga nagiging normal na bahagi na ng lipunan ang ganitong mga kalakaran. Ang totoo nga naman ay, malaki na ang naging impluwensiya ng ganitong sistema sa ating lipunan – sa ating mga botante. Kaya’t naging pangunahing konsiderasyon na sa mga kandidato maging sa mga botante na dapat ang isang pulitiko ay may pera para manalo.
Tila baga may katotohanan ang naririnig natin noon pa, na ang isang mananalong politiko ay dapat daw merong 3G – Guns, Gold and Goons. Idagdag pa rito ang laki ng pamilya. Oo nga naman, may mga kilala naman tayong politiko na wala namang kartada kung tutuusin sa aspeto ng paggawa ng batas, pero dahil sa laki ng pamilya ay nananalo.
Sadya nga bang ganito na ang pamantayan ng pagpili ng mga ibobotong kandidato sa ngayon? Syempre hindi dapat ganyan.
Kung ako ang pipili ng mga ibobotong kandidato, narito ang aking mga pamantayan.
1. May totoong takot at relasyon sa Diyos.
Ito ang pinaka importante sa lahat as this covers everything. Ang isang politiko na totoong may takot at relasyon sa Diyos ay maaasahan natin na kelan man ay hindi sasawsaw sa paggawa ng kabulastugan at pangungurakot sa pamamahala.
Dahil nga na ang Diyos ang syang pinagmumulan ng wisdom, meaning magiging marunong at effective ang isang politiko sa pamumuno sa bayan o pagtupad sa kanyang tungkulin kapag ang taong ito ay may totoong takot at relasyon sa Diyos.
2. Walang record ng corruption
Kapag ang isang kandidato ay na-involved na sa corruption, aba’y mahirap na yan pagkatiwalaan. Ang isang corrupt na politiko ay ginagawang pangkabuhayan ang pangungurakot sa kaban ng bayan.
3. May sapat na naipakita nang kakayahan.
Hindi ako particular sa taas ng narating na edukasyon ng isang kandidato, ang importante ay may demonstrated ability na ito sa kanyang responsibilidad bilang isang public servant. Bagamat ‘plus factor’ kapag ang isang kandidato ay mataas ang naabot na edukasyon, pero hindi ito garantiya na magiging maayos at mabuti syang lider, kung ang umiral pa rin sa kanya ay ang pagiging corrupt.