Tiniyak ng Police Regional Office MIMAROPA (PRO MIMAROPA) sa pamumuno ni Acting Regional Director PBGen Jovencio S. Badua Jr. na handa ang buong kapulisan sa pagpapatupad ng mas pinaigting na security coverage sa buong rehiyon para sa paggunita ng Undas 2025.
Sa ilalim ng Enhanced A.L.E.R.T.O. directive, na nangangahulugang Anti-criminality and Law Enforcement through Responsive and Transformative Organization, iniutos ni PBGen Badua sa lahat ng police units sa MIMAROPA na paigtingin ang pagbabantay at maximum police visibility sa mga pampublikong lugar tulad ng mga sementeryo, simbahan, pantalan, transport terminals, at mga pangunahing kalsada.
Magkakaroon ng police assistance desks sa mga sementeryo at transport terminals upang agarang makapagbigay ng tulong at impormasyon sa publiko.
Kasabay nito, paiigtingin din ang roving patrols at mahigpit na ipatutupad ang mga lokal na ordinansa tulad ng liquor ban, pagbabawal ng pagdadala ng mga armas, at regulasyon sa mga tindero sa loob ng sementeryo.
Upang matiyak ang maayos at koordinadong seguridad, inatasan ng PRO MIMAROPA ang lahat ng Provincial at City Directors na makipagtulungan sa mga Local Government Units (LGUs), Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Coast Guard (PCG), at iba pang ahensya para sa crowd management at emergency response.
Binigyang-diin din ni PBGen Badua ang kahalagahan ng magalang at maagap na serbisyo ng bawat pulis sa publiko, alinsunod sa panawagan ng PNP para sa “Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”



































