Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Executive Order No. 100 na nagtatakda ng floor price o pinakamababang presyong maaaring bilhin sa palay, upang maprotektahan ang mga magsasaka laban sa sobrang baba ng farmgate prices at matiyak ang makatarungang kita sa kanilang produksyon.
Ayon sa EO 100 na nilagdaan ng Pangulo noong Oktubre 25, layon nitong pigilan ang pagbagsak ng presyo ng palay tuwing panahon ng anihan, kung kailan karaniwang bumababa ang presyo dahil sa oversupply, epekto ng masamang panahon, o hindi patas na kalakaran sa merkado.
Sa pahayag ni Pangulong Marcos, binigyang-diin niyang “ang kawalan ng makatarungang floor price ay nag-iiwan sa mga magsasaka sa bingit ng kahirapan,” lalo na sa panahon ng mataas na gastusin sa produksyon at pabago-bagong kondisyon ng panahon.
Ipinag-utos din ng EO na ang Department of Agriculture (DA) ang mangunguna sa pagtukoy at regular na pag-aayos ng floor price batay sa gastos sa produksyon, kalagayan ng merkado, at kapakanan ng mga magsasaka, habang isinasaalang-alang din ang kayang presyo para sa mga mamimili.
Bilang suporta, binuo ang Steering Committee na binubuo ng mga pangunahing ahensya ng pamahalaan kabilang ang DA, DILG, DTI, DAR, DSWD, at NFA upang magtakda, magpatupad, at magbantay sa implementasyon ng floor price policy.
Pinahihintulutan din ng EO 100 ang mga ahensya ng pamahalaan at mga lokal na pamahalaan na gamitin ang mga pampublikong pasilidad gaya ng covered courts, gymnasium, at multi-purpose halls bilang pansamantalang imbakan ng palay sakaling walang sapat na bodega — upang masiguro ang tamang paghawak at preserbasyon ng mga butil.
Saklaw ng kautusan ang mahigpit na pagpapatupad laban sa mga bibili ng palay sa halagang mas mababa sa itinakdang floor price. Ang mga lalabag ay sasailalim sa administrative action.
Itinatakda rin ng EO ang regular na pagmamanman ng farmgate transactions at pagsusumite ng quarterly report sa Pangulo hinggil sa epekto ng polisiya sa kita ng mga magsasaka at sa katatagan ng suplay ng bigas sa bansa.
Sa ilalim ng nasabing kautusan, tiniyak ng Pangulo na hindi na babalewalain ang pinaghirapan ng mga magsasaka. Ang EO 100 ay bahagi ng mas malawak na programa ng administrasyon upang patatagin ang sektor ng agrikultura, palakasin ang produksyon ng pagkain, at tiyaking may sapat na kita at proteksyon ang bawat Pilipinong magsasaka.



































