Kinumpirma ng Romblon Police Provincial Office na maaaring direktang tumawag sa 911 ang mga Romblomanon kung sakaling mangailangan ng tulong mula sa pulisya.
Ayon kay Lt. Col. Ledilyn Ambonan, tagapagsalita ng Romblon PPO, aktibo at gumagana na ang national emergency hotline 911 sa lalawigan.
Libre ang pagtawag dito at maaaring gamitin sa mga insidenteng nangangailangan ng agarang aksyon gaya ng krimen, sunog, medikal na emergency, o aksidente.
“Yes po, puwede na pong direktang tumawag sa 911,” sagot ni Ambonan nang tanungin kung magagamit na ba ito ng publiko sa Romblon.
Bagama’t matagal nang operational ang 911 hotline sa bansa, pinaigting ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang kampanya upang ipaalam sa publiko na maaari nila itong gamitin sa mga emergency. Kaugnay ito ng direktiba ni PNP Chief Gen. Nicolas Torre III para mapaigting ang police visibility at emergency response sa buong bansa.
Pinaalalahanan din ng Romblon PPO ang mga mamamayan na gamitin lamang ang 911 para sa mga tunay na emergency upang hindi maantala ang tulong sa mga nangangailangan.
Ang 911 ay bahagi ng nationwide emergency response system ng pamahalaan at maaaring tawagan gamit ang anumang landline o cellphone, kahit walang load.