Niyanig ng lindol na may lakas na magnitude 3.3 ang lalawigan ng Romblon kaninang 5:15 ng madaling araw, ayon sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Batay sa paunang impormasyon mula sa Phivolcs, ang epicenter ng lindol ay naitala sa Odiongan, Romblon.
Sa ulat ng Odiongan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), naramdaman sa bayan ang Intensity IV na pagyanig, na maituturing na katamtaman at maaaring magpagalaw ng mga nakasabit na bagay at makaramdam ng pag-uga ang nasa loob ng mga bahay o gusali.
Bukod sa Odiongan, naitala rin ang pagyanig sa ilang karatig-bayan sa Tablas Island.
Walang inaasahang pinsala sa mga istruktura ang pagyanig ayon sa Phivolcs.