Nagsagawa ng noise barrage ngayong gabi ang mga residente ng San Fernando, Romblon bilang pagtutol sa planong pagmimina sa bayan, kasunod ng pag-apruba ng Sangguniang Bayan sa isang resolusyong nag-eendorso sa aplikasyon ng Altai Philippines Mining Corporation (APMC) para sa Declaration of Mining Project Feasibility at sa ipinanukalang mining operations.
Sa isinagawang pagkilos, nanawagan ang mga residente sa lokal na pamahalaan na muling pag-aralan ang naturang desisyon at isaalang-alang ang mga posibleng epekto ng pagmimina sa kapaligiran at kabuhayan ng mga mamamayan.
Bilang pakikiisa sa mga tumututol sa proyekto, pinatunog din nang ilang minuto ang kampana ng Simbahang Katolika ng San Fernando.
Nauna rito, inaprubahan ng Sangguniang Bayan ng San Fernando ang resolusyong nag-eendorso sa aplikasyon ng APMC, na sumasaklaw sa 42 ektaryang lupain sa Barangay España.
Ang endorsement ng konseho ay isa sa mga dokumentong kinakailangan sa aplikasyon ng kumpanya para sa Declaration of Mining Project Feasibility at sa ipinanukalang mining operations. Mananatili pa ring sasailalim ang aplikasyon sa pagsusuri at pag-apruba ng mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan alinsunod sa umiiral na mga batas at regulasyon.
Nauna ring hindi inendorso ng Barangay Local Government Unit (BLGU) ng Barangay España ang aplikasyon ng kumpanya.



































Discussion about this post