Naglabas na ng safety advisory ang Philippine Coast Guard (PCG) sa mga sasakyang pandagat na dumaraan sa karagatang sakop ng Barangay Mabini at Barangay Mabulo, San Fernando, Romblon matapos masunog ang isang motor yacht nitong Hulyo 19.
Ayon sa PCG, natanggap nito ang ulat hinggil sa insidente bandang 1:00 ng hapon, dahilan upang agad itong magsagawa ng search and rescue operation sa lugar.
Bago pa man dumating ang Coast Guard, matagumpay nang nailigtas ng mga lokal na mangingisda ang apat na tripulante ng MY Jason, isang motor yacht na bumiyahe mula sa Subic Yacht Club patungong Consolacion, Cebu. Ligtas na naiturn-over ang mga tripulante sa mga responder at wala namang naiulat na nasugatan sa insidente.
Batay sa paunang imbestigasyon, sinabi ng kapitan ng motor yacht na nagsimula ang sunog sa engine compartment ng sasakyang pandagat.
Patuloy na mino-monitor ng PCG ang sitwasyon sa lugar habang isinasagawa ang post-incident response. Ayon sa Coast Guard, kapag tuluyang naapula ang apoy ay hihilahin ang motor yacht patungo sa isang ligtas na lugar upang maiwasan ang panganib at hindi makaabala sa daloy ng mga sasakyang pandagat.



































Discussion about this post