Itataas ng Philippine Coast Guard (PCG) ang heightened alert status mula Abril 13 hanggang Abril 20, 2025 bilang bahagi ng Oplan Biyaheng Ayos kaugnay ng paggunita ng Semana Santa at summer vacation.
Sa direktiba ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan, inaatasan ang lahat ng PCG units sa buong bansa na magpatupad ng pinaigting na seguridad, kaligtasan, at pagpapatupad ng batas sa karagatan sa mga pangunahing pantalan, ferry terminals, at coastal tourist spots upang matiyak ang ligtas at maayos na biyahe ng mga pasahero.
Magkakaroon ng 24/7 na operasyon ang mga tauhan ng Coast Guard Districts, Stations, Sub-Stations at Task Units para magsagawa ng passenger safety checks, baggage inspections, at pre-departure inspections ng mga sasakyang pandagat. Makikipag-ugnayan din ang PCG sa MARINA, Philippine Ports Authority (PPA), at iba pang ahensya ng pamahalaan sa mga pantalan.
Dahil inaasahan ang pagdagsa ng mga pasahero na uuwi sa mga probinsya o magbabakasyon, titiyakin ng PCG na nasusunod ang safety protocols gaya ng pag-iwas sa overloading at mabilis na pagresponde sa mga insidente sa dagat.
Magpapakalat din ang PCG ng mga Deployable Response Groups (DRGs), medical teams, Search and Rescue (SAR) units, K9 units, Philippine Coast Guard Auxiliary (PCGA), at maritime safety inspectors sa matataong lugar gaya ng mga pantalan at pasyalan upang agarang makatugon sa anumang emerhensya.
Magkakaroon din ng dagdag na tauhan para sa crowd control, information dissemination, public assistance, at emergency response coordination upang higit pang mapalakas ang presensya at serbisyo ng Coast Guard.
Magbubukas din ang Malasakit Help Desks sa mga pangunahing pantalan bilang sentro ng tulong para sa mga tanong, reklamo, at koordinasyon sa emergency response.
Paalala ng PCG sa mga biyahero, maging mapagmatyag, bumili ng tiket nang maaga, dumating ng mas maaga sa terminal, sundin ang safety protocols, iwasan ang mga ipinagbabawal na gamit, at agad ipagbigay-alam sa Coast Guard ang anumang kahina-hinalang aktibidad.
Discussion about this post