Matagumpay na nadepensahan ni Melvin Jerusalem ang kanyang WBC Mini Flyweight Title matapos talunin ang Japanese challenger na si Yudai Shigeoka sa kanilang rematch via unanimous decision noong Marso 30, 2025, sa Aichi Sky Expo, Tokoname, Japan.
Nakuha ni Jerusalem ang panalo sa iskor na 119-109, 118-110, at 116-112 mula sa mga hurado.
Pinatunayan ni Jerusalem na hindi tsamba ang kanyang panalo sa unang paghaharap nila ni Shigeoka noong Marso 2024 sa Nagoya, Japan, kung saan napabagsak niya nang dalawang beses ang Hapon ngunit nagwagi lamang sa pamamagitan ng split decision. Sa kanilang muling paghaharap, ipinakita ni Jerusalem ang kanyang bilis ng kamay, dahilan upang maging maingat si Shigeoka sa kanyang galaw at suntok, lalo na sa championship rounds.
Bago ang laban na ito, matagumpay nang nadepensahan ni Jerusalem ang kanyang titulo laban kay Luis Castillo ng Mexico noong Setyembre 2024 sa Mandaluyong City College, Pilipinas. Sa kasalukuyan, hawak ng 31-anyos na boksingero ang rekord na 24 panalo (12 KOs) at 3 talo.
Isa sa mga posibleng susunod na makakalaban ni Jerusalem ay ang WBO Mini Flyweight Champion na si Oscar Collazo ng Puerto Rico para sa isang unification bout. Si Collazo ang boksingerong tumalo kay Jerusalem noong 2023 at umagaw sa kanyang WBO Mini Flyweight Title matapos siyang patumbahin sa ikapitong round.